Lakers naubusan sa Lillard Time

Nagsalpak ng 3-pointer si Damian Lillard 0.7 seconds na lang sa orasan, at tinakasan ng Portland Trail Blazers ang Los Angeles Lakers 113-110 Huwebes ng gabi sa Oregon.

Sa 13 laro, hindi pa natatalo ang Blazers sa Lakers.

Bago ang game winner ay 1 of 5 lang si Lillard sa long range, pero hindi nag-alangan nang dumating na ang peligrosong sandali na nakataya ang panalo.

Hiyawan ang crowd pagpasok ng bola, tumatango-tango si Lillard bago pinakawalan ang kanyang signature gesture kapag nakakapagsalpak ng winner – tinuturo ang kanyang pulso.

Tumapos si Lillard ng 33 points, nagdagdag si Jusuf Nurkic ng 28 points sa Portland.

Si Lakers rookie Lonzo Ball ay 0 for 2 sa field, bokya sa puntos, may four assists at three rebounds. Nanguna sa Los Angeles ang 27 points ni Brook Lopez at season-high 22 points ni rookie Kyle Kuzma.

Nalagasan ang Los Angeles nang mabalian ng kaliwang kamay si Larry Nance sa third quarter. Nag-a-average si Nance ng 11 points, 7.9 rebounds.

Umabante ang Portland 106-105 sa free throws ni Lillard 1:56 sa orasan. Pasok ang hook ni Kuzma sa kabila na sinagot ng layup ni Lillard bago ang free throws ni Nurkic tungo sa 110-107 Blazers lead.

Natahimik ang Blazers fans nang pumasok ang panablang 3 ni Kentavious Caldwell-Pope sa assist ni Ball, 15.5 seconds na lng.

Tapos ibaon ni Lillard ang huling basket sa harap ni Brandon Ingram, bumato si Kuzma pero malayo sa target ang 3-pointer sa buzzer.