Lalabag sa firecracker zone kulong na, multa pa

Mahaharap sa isang taon na pagkabilanggo at papatawan din ng multang P5,000 ang sinomang mahuhuling magpapaputok sa labas ng mga itina­lagang firecracker zone sa Quezon City.

Ito ang babala ni Mayor Joy Belmonte sa mga residente ng kanilang lungsod kaya hinikayat nito ang publiko na makipagtulungan para maging ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Pinayuhan ng alkalde ang mga residente ng Quezon City na hangga’t maaari ay huwag nang gumamit pa ng mga paputok na posibleng maging dahilan ng pagkakasugat o pagsiklab ng sunog sa mga kabahayan, at humanap na lamang ng ibang paraan sa pag-iingay upang maging ligtas ang pagsalubong sa Bagong Taon.

Nabatid na ang mga firecracker zone sa ilalim ng 12 himpilan ng Quezon City Police District ay pangangasiwaan ng mga opisyal ng barangay at mga volunteer.

Ang mga ito ay sa La Loma, Police Station (PS)1; Masambong, PS2; Talipapa, PS3; Novaliches, PS4; Fairview, PS5; Batasan, PS6; Cubao, PS7; Project 4, PS8; Anonas, PS9; Kamuning, PS10; Galas, PS11; at Eastwood, PS12.

May 180 firecracker zone sa buong lungsod at magtatalaga pa ng mga pulis na siyang magbabantay sa mga nasabing lugar upang matiyak na ligtas sa panganib ang mga magpapaputok at maging ang mga manonood. (Dolly Cabreza)