Isang 26-anyos na lalaki ang patay matapos na barilin sa ulo ng isang hindi pa nakikilalang suspek at ang masaklap pa ay sa harapan pa mismo ng kanyang matalik na kaibigan ito isinagawa sa Lungsod ng Malabon kamakalawa ng gabi.
Sa ulat ng Malabon City Police-Homicide Unit partikular na nina PO3 Julius Mabasa at PO2 Virgilio Agustin, ganap umanong alas-11:30 ng gabi nang maganap ang insidente habang naglalakad ang biktimang si Ricky Bagasala, 26, ng Phase VI, Letre, Barangay Tonsuya ng nasabing lungsod at kaibigan na nakilala lamang sa pangalang Kenneth sa Paradise Village galing sa paglalaro ng pool.
Doon na sumulpot ang hindi pa nakikilalang suspek at nilapitan ang dalawa saka walang sali-salitang binaril ng malapitan sa ulo ang biktima at nang bumulagta na ito ay mabilis na tumakas ang salarin.
Nang makita ni Kenneth ang nangyari sa kaibigan ay agad itong tumakbo patungo sa isa pa nilang kaibigan na nakilalang si Joshua Callos na mabilis namang sumaklolo at magkasamang isinugod Tondo Medical Center ang biktima, ngunit hindi na rin ito pinalad na mabuhay at nasawi habang sumasailalim sa operasyon.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagsasagawa ng imbestigasyon ng pulisya, inaalam na rin ang pagkakakilanlan ng salarin at kung ano ang posibleng motibo nito sa pagpatay sa biktima.