Nauwi sa trahedya ang painom ng isang lalaki matapos itong pagsasaksakin ng isa sa kanyang apat na kainuman sa Calamba City, Laguna Miyerkoles ng hapon.

Nasawi habang sinusugod sa ospital ang biktimang si Jesus Gomez dahil sa mga tama ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Sa report ng Calamba City police, nagkaroon muna ng pagtatalo ang biktima at suspek na si Joel Bacungan habang ang mga ito ay nag-iinuman sa harap ng bahay ng una.

Sa kasagsagan ng pagtatalo, naglabas ng balisong ang suspek at sunod-sunod na inundayan ang biktima.

Pinaghahanap na rin ng mga pulis ang kainuman ng mga ito na sina Dexter, Dominique at Domingo, lahat ay may apelyidong Fernandez at inaalam kung may partisipasyon ang mga ito sa kaguluhan. (Ronilo Dagos)