Agaw-buhay ngayon ang isang hindi pa nakikilalang lalaki makaraang umakyat sa bubungan ng isang covered basketball court sa Pasay City, naglaslas ng pulso at tumalon kahapon ng umaga.
Patuloy na nilalalapatan ng lunas sa Pasay City General Hospital ang biktimang nasa edad 40-50 makaraang magtamo ng malaking pinsala sa ulo at katawan.
Sa inisyal na report ni Police Col. Bernard Yang, hepe ng Pasay City Police, alas-7:45 ng umaga nang maganap ang insidente sa basketball court sa Taft Avenue, Brgy. 40, Zone 5 sa nasabing lugar.
Sa hindi umano mabatid na dahilan ay bigla na lang umakyat ang biktima sa bubungan ng naturang basketball court at tinangkang tumalon.
Nabatid na nakipag-negosasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP) at si Barangay Chairman Morales subalit nagpumilit pa rin na tumalon ang biktima na naglaslas ng pulso gamit ang kapirasong yero pagsapit ng alas-9:20 ng umaga na sanhi ng kanyang matinding pagkakasugat sa ulo at katawan.
Agad na dinala ang biktima sa nasabing pagamutan na kung saan patuloy pa rin itong nilalalapatan ng lunas.
Patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang awtoridad hinggil sa nasabing insidente habang inaalam ang pagkakilanlan nito. (Armida Rico)