Patay ang isang 32-anyos na lalaki makaraang pagbabarilin ito ng kanyang nakaalitan dahil umano sa onsehan sa iligal na droga sa Alaminos, Laguna kahapon.

Batay sa report ng Alaminos Police, dakong alas-10 ng umaga, sakay ng tricycle ang biktimang si Junjun Escobañas sa may bahagi ng Villa Adelina, Barangay San Agustin nang pagbabarilin ito ng suspek na kinilala lamang sa alyas na ‘Dodong’ na agad tumakas patungong San Pablo.

Agad nasawi ang biktima dahil sa mga tama ng bala mula sa ‘di natukoy na kalibre ng baril.

Ayon sa Alaminos Police, onsehan sa tran­saksyon sa illegal drugs ang kanilang tinitingnang motibo sa pamamaril.