Lalaki pinatay ng ex ng asawa sa Zambo

Zamboanga

Pinaghahanap kahapon ng pulisya ang suspek sa pagpatay sa isang lalaki sa Zamboanga City matapos na inguso ng asawa ng biktima na nakaligtas sa pamamaril.

Kinilala ng pulisya ang suspek na si Algalil Alama, na siyang itinuturong bumaril kay Alsadar Jalilul, matapos na magtalo ang dalawa sa Brgy. Recodo kamakalawa ng gabi.

Tumakas umano si Alama matapos na barilin nang apat na beses sa mukha si Jalilul na noon ay kasama ang asawa. Nabatid sa imbestigasyon na dati umanong asawa ng babae ang suspek.

Masuwerte umano ang babae at hindi ito tinamaan sa pamamaril. Nabawi ng pulisya sa lugar ang mga basyo ng bala mula sa .45-caliber pistol na ginamit sa pagpatay kay Jalilul na natibo ng Basilan province.