Lalaki sa Guimaras nag-viral ang katapatan

Humanga ang mga netizen sa katapatan ng isang 20-anyos na lalaki sa Guimaras makaraang ibalik sa may-ari ang nakuha nitong case na naglalaman ng mamahaling cellphone at gadget.

Sa post ni Giff Atienza sa Facebook, nagpasa­lamat ito kay Nichol Tagudin na nagbalik ng Pelican case nito na may lamang iPhone XS Max 256Gb, powerbank at iba pang gadget.

Ani Atienza, nawala umano ang nasabing case na naglalaman ng mga gadget habang nagje-jetski ang kanyang 14-anyos na anak, noong Abril 14 sa Lakawon Island, Cadiz City habang pabalik sana sa Manapla.

Hanggang matagpuan umano ito ni Tagudin habang nangi­ngisda sa karagatan ng nasabing lalawigan.

Bumiyahe ang mag-amang Atienza mula sa Bacolod City patungo sa Brgy. Umilig, bayan ng Buenavista, para personal na makuha mula sa pag-iingat ni Tagudin ang mga gadget.

Nabatid na binigyan ng P11,000 na pabuya ni Atienza si Tagudin para sa katapatan nito, bukod pa rito ang alok nitong trabaho sa Bacolod.