Patay ang isang 33-anyos na tricycle driver matapos na ito ay saksakin ng isang lalaki habang natutulog sa Barangay Sto. Tomas, Calauan, Laguna kamakalawa ng tanghali.

Batay sa report ng pulisya, mag aalas-12:00 ng tanghali habang natutulog sa kubo sa tabi ng kanyang bahay ang biktimang si Jonathan Parungao y Alvarez ng walang sabi-sabing saksakin ito ng suspek na si Rolly Palic y Allado, 27, sa kanyang dibdib na agad nitong ikinasawi.

Nasakote naman ng mga pulis ang suspek ng aktong tatakas habang hawak pa ang patalim na gina­mit sa pananaksak.

Selos ang nakikitang motibo ng mga awtoridad sa krimen na kinasasangkutan ng suspek at live-in partner nito na nililigawan umano ng biktima.