Patay ang isang lala­ki matapos itong pagtulungang saksakin ng magkapatid na kanyang kainuman sa isang basketball court kamakalawa sa Mandaluyong City.

Kaagad na nasawi ang biktimang si Ronnie Pajenado, nasa hustong gulang at residente ng Barangay Burol ng nabatid na lungsod dahil sa mga saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Arestado naman ang mga suspek na sina Roberto Hubilla at Jerry Hubilla, mga nasa hustong gulang at residente rin ng nasabing lugar.

Sa ulat ng Mandalu­yong City Police, nabatid na dakong alas-9:45 ng umaga at masayang nag-iinuman ang tatlo sa loob ng Highlander Basketball Court sa Barangay Burol, subalit matapos na mala­sing na ang mga ito ay nagkaroon ng mainitang pagtatalo hinggil sa hindi pa batid na bagay.

Sa kainitan ng argumento ay pinagtulungan umano ng magkapatid ang biktima na saksakin na siya nitong ikinamatay.

Naaresto naman ang mga suspek ng mga rumes­pondeng tauhan ng Mandaluyong City Police at nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso.