EDISON REYES

Ayon kay Gunnar, ina­tasan siya ng barangay Executive Officer na puntahan si John Erwin sa pagamutan upang alamin ang kalagayan at nang malaman niya na patay na ang biktima, inutusan aniya siya ni John Erick na magtungo sa barangay upang puntahan ang tinutuluyang barracks ni Joemar sa construction supply sa 194 Panghulo Road, Barangay Panghulo.

Nang makarating naman sa kaalaman ng Malabon city police ang pangyayari, kaagad na inatasan ni P/Col. Jessie Tamayao sina homicide investigators P/SSgt. Julius Mabasa at P/SMSgt. Joselito Bagting upang magsagawa ng pagsisiyasat kasama ang team ng Scene of the Crime Operatives (SOCO) na magpo-proseso sa lugar na pinangyarihan ng krimen.

Dito nalaman nina Sgts. Bagting at Mabasa na nakuha­nan ng dalawang nakakabit na close circuit television (CCTV) camera ang kabuuan ng pangyayari kaya’t kaagad silang humingi ng ayuda sa mga kasama­han upang puntahan at arestuhin si Joemar.

Gayunman, nang dumating sa tinutuluyang barracks sa construction supply na hindi rin lang kalayuan sa lugar ng pinangyarihan ng krimen ang mga pulis, wala na si Joemar at maging ang may-ari ng naturang establisimiento ay hindi na rin alam kung saan siya nagpunta.

Sa pahayag naman ni John Erik, blunt traumatic injuries ang ikinamatay ng kanyang kapatid batay na rin sa nakasaad sa kanyang death certi­ficate bagama’t hiniling pa rin ng mga imbestigador na isailalim ang bangkay ng kanyang kapatid sa autopsy examination upang magamit ang resulta nito bilang karagdagang ebidensiya sa paghahain nila ng kasong murder laban kay Joemar.

Halos pagsakluban naman ng langit at lupa ang 64-anyos na ina ni John Erwin na si Naneth Lim Rugay nang makaratin sa kaalaman ang masaklap na sinapit ng bunsong anak.

Ayon kay John Erik, dumanas ang matin­ding depresyon ang kanilang ina kaya’t matapos na ma-cremate ang bangkay ng kanyang kapatid, ang kanilang ina naman ang isinugod nila sa pagamutan.

Tatlong linggo aniyang naratay sa intensive care unit (ICU) ang kanilang ina sanhi ng dinaranas na matinding depresyon.