EDISON REYES
Nang makapanayam ng TUGIS si Aling Naneth, bakas pa rin sa kanyang mukha ang matinding kalungkutan at hindi rin niya mapigilang maibulalas ang sama ng loob kay Gunnar dahil hindi aniya kaagad inawat ang pagkakaroon ng pagtatalo-talo sa kanyang bilyaran.
Dugtong pa ni Aling Naneth, kung noong una pa lamang na inambaan ni Joemar ng palo ang kanyang anak ay pinayapa na kaagad ni Gunnar ang pagtatalo, hindi na sana humantong pa sa pagpatay ang pangyayari.
Sa kuwento naman sa TUGIS ni Gunnar, nalulungkot din siya sa pangyayari at batid din niya na masama ang loob sa kanya ng pamilya ni John Erik lalo na nang pagbintangan siya na pinaalis pa niya si Joemar matapos ang pamamalo.
Ayon kay Gunnar, mali ang narinig nila nang panoorin ang footage ng CCTV sa buong pangyayari dahil hindi niya sinabihan si Joemar na umalis na kundi hinawakan pa nga niya sa braso at sinabihan na huwag umalis.
Sinabi ni Gunnar na labis din niyang ikinalungkot pagkamatay ni John Erwin na bukod sa isang mabuting anak at ama ay mahusay ding makisama sa kanilang lugar.
Pumayag na rin aniya siyang isarado na ang laruan at ibenta na lamang ang mesa ng bilyar kahit pa nga malaking tulong sa kanyang pamilya ang kita nila mula rito.
Ayon kay Gunnar, mahina ang P200 isang araw na kita ng bilyaran bukod pa sa kita nila sa tindahan at karinderya ng kanyang asawang si Cynthia dahil sa kanila rin bumibili ng soft drinks at kumakain ang mga naglalaro ng bilyar.
Gayunman, nangibabaw pa rin sa kanya ang kapasiyahang isara na ito lalo na’t nagiging daan lamang ito upang gunitain pa ang masaklap na pangyayaring ikinabuwis ng buhay ni John Erwin.