Nasawi ang isang lalaki nang kuyugin ng taumbayan dahil sa pag-aamok nito nang pagsasapakin ang kanyang sariling ina at pananaga pa sa limang katao sa Malolos City, Bulacan.

Kinilala ng Malolos City Police ang napatay na lalaki na si Joel Santos, 42, binata, residente ng Brgy. Mabolo ng nasabing siyudad.

Pasado alas-siyete ng gabi kamakalawa nang magtalo umano si Santos at kanyang ina na si Juanita Antonio dahil hindi na umano nakakakilala ang suspek sa kanyang ina, dito na sinuntok ni Santos ang kanyang ina.

Matapos nito, kumuha ng patalim si Santos at binalikan ang kanyang ina na nakapagtago na sa kanilang bahay. Nang hindi makita ang ina, lumabas ito at pinagtataga ang sinumang makita sa kalsada.

Hindi na pinangalanan ang limang nasugatan, habang nakumpirma sa tanggapan ng barangay na may record na sa kanila ang nag-amok na si Santos.

Sangkot umano ito sa iligal na droga at ilang kaguluhan sa kanilang lugar, kaya naman maaa­ring napuno na ang taumbayan kaya nabugbog ang lalaki na ikinasawi nito. (Jun Borlongan)