SANTIAGO, Ilocos Sur — Hindi na umabot sa pagamutan ang isang lalaki matapos na makuryente habang masuwerteng nakaligtas ang isa pang kasamahan nito sa bahagi ng Barangay Salincub ng bayang ito.
Ayon kay P/SInsp. Aristeo Tajon, hepe ng Santiago Police Station, pauwi na mula sa inuman ang mga biktima na sina John Rey Abad, Aldrin Ramos, at isa pang kaibigan nang aksidenteng mahawakan ni Ramos ang poste ng streetlight na may live wire.
Lumapit umano si Abad sa kaibigan at tinangkang iligtas ito ngunit dumaloy din sa kanya ang bolta-boltaheng kuryente.
Kapwa naitakbo sa pagamutan ang dalawa ngunit idineklarang dead-on-arrival ng mga doktor si Abad habang si Ramos na nawalan ng malay ay nasa mabuting kalagayan na.