Ngayong araw, Oktubre 22, bibiyahe ng Changsa sa China ang mga PBA official sa pangunguna nina commissioner Willie Marcial at Board chairman Ricky Vargas para makipag-usap hinggil sa posibilidad na iere roon ang PBA games.
Kasama sa PBA delegation sina Alfrancis Chua ng Ginebra, PBA marketing head Gelo Serrano at Bong Sta. Maria ng Philippine Global Network, joint subsidiary ng TV5 at PLDT.
Makikipag-meeting ang mga league official kay Mo Yanfei, president ng Hunan World Resaerch Internet Company.
“Maganda ito kung sakali dahil first time na mangyayari sa Philippine sports na may channel na magke-carry ng PBA games sa China,” wika ni Marcial. “At the same time, magiging closer ang liga sa mga Pilipino na nasa China at ‘yung mga Chinese naman, makikita rin ‘yung brand ng basketball sa Pilipinas.”
Inimbitahan ng PBA si East Asia League CEO Matt Beyer sa sumama sa meeting para mapag-usapan ang posibilidad na magkaroon ng game sa China.
Nakabase sa Beijing ang American na si Beyer. Siya ang nag-imbita sa San Miguel Beer, TNT at Blackwater na sumabak sa Terrific 12 tournament sa Macau nito lang nakaraang buwan. (VE)