Nasawi ang apat na magkakamag-anak na nakikipaglamay sa burol ng isang kabarangay nang walang habas na pagbabarilin ng nag-iisang gunman sa Infanta, Quezon Miyerkoles nang gabi.
Ayon kay Col. Osmundo de Guzman, Quezon police director, armado ng kalibre .45 baril at nakasuot ng bonnet ang suspek nang pagbabarilin ang mga biktima sa Purok Irrigation, Brgy. Ilog alas-8:45 nang gabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Herman Cuento, 70; Leon Cuento, 73; Manuel Cuerdo, 41 at Michael Cuento, 50, na agad nasawi sa insidente. Damay din at nasugatan sina Maximo Cuento, 65, at Napoleon Miras, 68, habang hindi pa natutukoy ang pagkakilanlan ng nakatakas na suspek.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, pumasok ang suspek sa compound kung saan naglalamay ang mga biktima, at pinuntirya si Michael, habang ang iba ay nadamay nang tamaan ng ligaw na bala.
Nabatid na nagtatrabaho bilang driver sa mayor’s office ng Infanta si Michael, quarry operator at manager ng Small Town Lottery.
Inaalam din ng ng pulisya kung may kaugnayan ito sa pananambang sa kanya noong 2016.