Mas matunog pa ngayon ang isyu sa lambanog kesa sa paputok dahil sa loob ng halos wala pang dalawang linggo ay 28 katao na ang binawian ng buhay sa nasabing alak, samantalang zero casualty at pawang sugatan lamang ang naitala sa pagsalubong sa Bagong Taon.

Sa huling tala ng Department of Health (DOH) base na rin sa report ng Fireworks-Related Injuries (FWRI), umakyat na sa 288 ang bilang ng mga taong nasugatan sa paputok dahil sa pagpasok ng taong 2020.

Wala pa ito sa kalahati kumpara sa bilang na 600 naospital na indibidwal matapos malason sa ininom na lambanog.

Dahil sa insidente’y nagsasagawa ngayon ng parallel probe ang Philippine National Police at National Bureau of Investigation hinggil sa pagkakasawi ng mga biktimang karamihan ay mga residente ng Rizal sa Laguna at Candelaria.

Kabilang anila sa iniimbestigahan ngayon ang may-ari ng Emma’s Lambanog store gayundin ang Orlando Mapa store.

“Initial investigation showed that some of the victims bought their lambanog at a retailer at P20 per glass. We are looking into the possibility that to earn more, it could have been adulterated with methanol,” paliwanag ng isang imbestigador.

Idinagdag pa nitong bukod sa multiple murder cases na isasampa laban sa gumagawa ng naturang nakalalasong produkto, sinisilip din ng mga awtoridad ang anggulong korapsyon dahil sa patuloy na produksyon at distribusyon ng nasabing lethal drink.

“May kumikita diyan kasi paano nakalusot diyan, kailangan ng permits at regulated ‘yan. Criminal neglect can also be filed against agency in charge of ensuring the safety of the drinks,’’ pahayag pa ng isang ahente ng NBI.

“The victims are scattered in various hospitals in Metro Manila and the province of Rizal had to declare state of emergency due to the incident,’’ dagdag pa nito. (Nancy Carvajal w/ Juliet de Loza-Cudia)