Lambingan ng MayWard ibinuking ni Enchong

Ibinuking ni Enchong Dee ang sweetness nina Maymay Entrata at Edward Barbers nang makasama niya ang magka-love team sa “ASAP Natin ‘To sa Bay Area” last month.

Sey ni Enchong, “Iba rin talaga, para silang naka-super glue,” sabi ni Enchong sa presscon nila ni Maymay last Thursday for Knowledge Channel.

Tawa lang nang tawa si Maymay.

Sila na ba?

“Depende sa kanya,” safe na sagot ni Enchong.

Samantala, excited na dumalo si Enchong sa ABS-CBN Ball na gaganapin sa Sept. 14 dahil last year daw ay hindi siya nakapunta because of work.

Siyempre, si Maymay ay dadalo kasama si Edward at ang tsika nga ay ang gawa ng sikat na Pinoy designer na si Furne One ang isusuot niyang gown.

Abangan na lang daw sa vlog niya ang mga kaganapan.

Vice nalilihis sa usaping LGBTQ

Matindi rin ang pinakawalang mga pahayag ni Vice Ganda sa matindi ring statement ni Senate President Tito Sotto hinggil sa mga LGBTQQIA+ (Lesbian Gay Bisexual Transgender Queer/Questioning Intersex Asexual) matapos ang Senate hearing on SOGIE (Sexual Orientation and Gender Identity and Expression) Equality Bill last Wednesday.

“If you are a man, you will never be a woman, no matter what you do, because you cannot reproduce. You cannot give birth, you do not have ovaries. You will never be a woman. So this, to me, the SOGIE bill is a bill against women’s rights,” pahayag ni Sen. Sotto.

Sinagot agad ito ni Vice sa kanyang Instagram account at mariing inalmahan ang naturang statement.

“Joke po ba ito Hon. Senate President Tito Sotto??? Sinasabi nyo po ba na naniniwala kayo na ang pagiging BABAE ay nasusukat lamang sa pagkakaroon ng obaryo o matris at sa kakayahan lang na mabuntis o magka-anak?

“E paano po yung mga nagkaroon ng matinding karamdaman at tinanggalan ng obaryo? Di na po ba sila BABAE? Wala na ba silang karapatang tawaging BABAE? O bumaba na ba ang uri ng kanilang PAGKAKABABAE?

“Paano din po yung mga baog at walang kakayahang magka-anak? Ano po sila? Di na din sila BABAE? Mga wala na ba silang kwentang mga BABAE?

“At paano naman po yung mga BABAENG choice nila na wag mag-anak dahil ayaw nila dahil sa kanilang mga personal na rason? Di na din ba sila matatawag na BABAE?

“Paano din po yung mga BABAE na may obaryo pero pinayuhang wag magbuntis dahil sa medikal na kondisyon at maaring mameligro ang kanilang buhay? Di na din sila BABAE? Ano na po sila?

“Paano din po yung mga BABAENG may obaryo pero wala pang anak dahil ayaw naman nilang magpatira kung kani kanino? Ano na sila?” ang litanya ni Vice Ganda.

Patuloy pa ng Unkabogable Star, unfair ang naging statement ni Senate President Sotto.

“Parang ang baba naman po pala ng tingin nyo sa mga BABAE. Naniniwala po ako na ang mga BABAE ay BABAE di dahil sa obaryo at sa kakayahang bumukaka at umire. Sila ay BABAE dahil sila ay BABAE. At MAY HALAGA sila may matris man o wala, magbuntis man o hindi,may anak man o wala dahil sila ay ay TAO at sila ay BABAE.

“Sinubukan ninyong maliitin ang konsepto ng pagiging TRANSGENDER sa paraang tinapakan nyo rin ang dignidad ng mga tinatawag nyong TOTOONG BABAE.

“Paumanhin po HON. SENATE PRESIDENT Sotto. Pero i believe this statement is just not fair. There are people who pretend to be FEMINISTS to hide their being MISOGYNISTS,” pahayag pa ni Vice.

Pero sa totoo lang, simple facts lang naman ang sinabi ni Senate President at hindi naman mahirap intindihin. Na kung ipinanganak kang lalaki, hindi ka kailanman magiging babae dahil wala kang ovaries at hindi ka puwedeng manganak. Wala naman siyang sinabi na ang mga babaeng walang matris at walang anak ay hindi na babae dahil alam niya at alam nating lahat na hindi ‘yun totoo.

Siguro nga ay masyado lang sensitive si Vice sa usaping LGBTQ kaya sa kagustuhan niyang ipagtanggol ang mga miyembro ay nalilihis na rin siya.

Kisses malakas pa rin ang hatak sa Twitter

Nag-guest si Kisses sa TWBA para mag-promote ng kanyang episode sa “Ipaglaban Mo” na #ImDesperada na mapapanood ngayong Sabado, pagkatapos ng “It’s Showtime”.

Inaabangan na ng mga fans ni Kisses ang naturang episode at the moment nga na lumabas ang teaser nito last Tuesday ay nag-No. 1 trending agad ito nationwide sa Twitter nang ilang oras that day.

Makakasama ni Kisses sa #ImDesperada episode sina Rita Avila, Chris Villanueva at Christopher Roxas mula sa direksyon ni Paco Sta. Maria.