Lampacan kinapos, kasya sa silver

Lampacan kinapos, kasya sa silver

Humablot si Ariel Lee Lampacan ng silver medal sa muay competitions ng 11th Arafura Games 2019 sa Darwin Convention sa Northern Territory, Australia, nitong Miyerkoles ng gabi.

Yumuko si Lampacan, 21, kay Sakchai Chamchit ng Thailand, 27-30, sa finals ng senior male Elite A 54-kilogram division, nasungkit ang silver at nakalikom ng points para mag-qualify sa Birmingham 11th World Games 2021.

Dismayado si Lampacan dahil salto sa gold kaya nangakong babawi sa susunod na paligsahan.

“Bawi ako next time sa June sa World Championship (Bangkok). Pagbubutihin ko pa ‘yung training at hahasain ko pa ‘yung galaw ko,” sambit ni Lampacan.
Siya ang isa sa apat na national muay athletes na sumasabak sa Down Under, at ang kanilang kampan­ya ay suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman William “Butch” Ramirez at ng Standard Insurance.

Kumolekta na ang Pilipinas ng 30 golds, 48 silvers at 28 bronzes at dahil may dalawang araw pa ng bakbakan ay posibleng madagdagan pa ang medalyang iuuwi ng mga Pinoy.

Kinalos ng Tagum City natives Hachaliah Gilbuena at Johnrel Amora ng Australia 21-10, 21-12, 21-13, upang makakuha ng spot sa round of 16 sa badminton.

“Hindi ako makapaniwala kasi ang tatangkad nila. Nag-focus lang talaga kami sa laro. Points na lang po talaga ‘yung nasa isip namin kahit hindi na makapalo,” hayag ni 24-year-old Amora. (Elech Dawa)