Language training sa OFWs palalakasin

TESDA language training

Isinusulong ngayon ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) na palakasin ang language and culture training program na ibinibigay sa mga overseas Filipino workers (OFW’s) na layu­ning maging marunong sa lengguwahe at kultura ng kanilang mga bansang pagtatrabahuhan.

Sa kasalukuyan, mayroong 36 na TESDA training institutions sa buong bansa na nagkakaloob ng language training.

Ang nabanggit na kurso ay nakapaloob sa Training for Work Scho­larship Program kung saan nakapaloob sa mga lengguwaheng itinuturo ay ang English, Japanese, Spanish, Mandarin, Italian, Arabic, at Hangul (Korean).

Kaugnay nito, isang Memorandum of Understanding (MOU) ang nilagdaan ng TESDA at ng mga embahada at institusyon ng mga nabanggit na bansa para sa language training ­program.

Layunin din ng programa na maunawaan at maintindihan ng mga OFWs ang mga lengguwahe at kultura ng pagtatrabahuhang bansa upang madali silang magkaintindihan ng kanilang magi­ging employer at mailayo ang mga ito sa kapahamakan.

Nagsisilbi ring lugar ng training ang National Language Institute ng TESDA para sa Japanese Language Preparatory training para sa mga nurses at caregivers sa ilalim ng Philippine-Japan Economic Partnership agreement.

Samantala, ipinagdiwang din kahapon ang ika-10 taong pagkakatatag ng National Language Training Institute (NLTI) na dinaluhan ng mga kinatawan ng iba’t ibang bansa ng itinuturong mga lengguwahe sa nasabing institusyon.