PINARANGALAN muli ang Bacoor Mayor Lani Mercado ng 2017 Most Outstanding Mayor mula sa Superbrand Marketing.
Iginawad ang naturang parangal sa The City Club ng Alpha Land Hotel sa Makati kahapon nang tanghali.
Kasama niya ang ilan pang mga alkalde na pinarangalan din. Awardee si Richard Gomez pero hindi nakadalo ang alkalde ng Ormoc.
Bale pang-anim na award na itong natanggap ni Lani na ibinigay sa kanya ng Superbrand.
Ito ang unang parangal niya bilang alkalde ng Bacoor, at ang limang award ay nu’ng representative pa siya ng lone district ng Bacoor.
Lalong na-inspire si Lani sa kanyang pagtatrabaho sa Bacoor pero aminado siyang marami pa siyang dapat na matutunan mula sa mga naunang nanungkulan sa naturang lalawigan.
“I have a lot of things to learn from my predecessors, kailangan pa rin magtrabaho.
“Maraming matutunan, dahil maraming pagbabago ngayon sa larangan ng paglilingkod sa bayan,” pakli ng actress/politician.
Proud na ibinahagi ni Mayor Lani sa amin na may 25 drug surrenderees na ga-graduate sa Lunes, April 3 sa 45-day Community-Based Anti-Drug Rehab Program.
Malaki ang tulong ng panganay niyang si Bryan Revilla na nagtuturo sa aspetong relihiyon sa surrenderees na dating nalulong sa droga, at ang iba ay sangkot pa sa pagpu-push.
Paglalahad ni Lani, “Bryan is helping me sa religious aspect. He’s the COO of Alpha Philippines.
“Tinutulungan niya ako sa aspeto ng spiritual sa larangan ng 45-day community based rehab program namin.”
Natutuwa siyang tingnan ang malaking pagbabago ng mga drug addicts at pushers na sumuko sa kanila at natulungan niyang gabayan para tuluy-tuloy ang pagbabagong buhay.
“We’re moving to second group naman,” pakli ni Lani.
“Tinitingnan po natin kasi ang paglingap sa ating mga drug surrenderees ay hindi lang 45 days, it is continuous.
“So, ‘yung programa po natin ay ina-adjust po natin. We learn from every batch kung ano ang mga dapat tanggalin at baguhin sa sistema,” sabi pa nito.
Natutuwa siyang nakikita niya ang kanyang anak na kahit nahihirapan ay pursigido itong tumulong para sa pagbabagong-buhay ng mga dating drug addicts at pushers.
“Parehong inspiring, parehong nahihirapan, pero mas more siyang nai-inspire kasi nakikita niya ‘yung pagbabago from day one na pinasok yung mga drug personalities hanggang sa mag-graduate sila,” tugon ng alkalde ng Bacoor.