Lani tutok sa ligtas coronavirus

Kahanga-hanga ang lakas ng katawan at sinseridad sa pagseserbisyo ni Mayor Lani Mercado Revilla ng Bacoor. Sa biglang tingin ay hindi naman siya ganu’n kalakas para sa mga puyatan at maghapong pag-iikot sa kanyang mga nasasakupan pero iba nga ang ibinibigay na sigla ng mapusong pagseserbisyo.

Walang tigil ang misis ni Senador Bong Revilla sa pagtse-check sa kanyang mga kasiyudad, araw-araw ay may meeting sila ng kanyang konseho para sa mga karagdagan pang tulong na maaari nilang ibigay sa mga taga-Bacoor, kasama na ang pagbabalangkas ng mga impormasyong may malaking maitutulong para sa kaligtasan nila sa COVID-19.

Matibay nilang ipinaiimplementa ngayon ang clustered palengke day. May kani-kanyang araw at oras ang pagpunta sa palengke ng iba’t ibang barangay sa Bacoor.

Naiiwasan nga naman ang pagsisiksikan sa pamilihan, nasusunod ang implementasyon ng social distancing, nasa loob lang ng bahay ang mga tagaroon at sa bawat pamilya ay may binigyan lang ng quarantine pass para lumabas.

Sa kasalukuyan ay walang bagong kaso ng coronavirus sa Bacoor, dalangin ni Mayor Lani na magpatuloy na sana ang ganu’ng sitwasyon, dahil alam niya kung gaano kahirap sa kalooban at pisikal na pangangatawan ang dulot ng mikrobyong pinoproblema ng buong mundo.

Napakapalad ng mga taga-Bacoor sa matutok na malasakit at pagmamahal sa kanila ni Mayor Lani.

Liza ‘di purdoy sa lockdown

Parang hot pandesal na nagkatusak ang pagnenegosyo ng spa ng mga artista. Marami silang nagbuhos ng kanilang puhunan sa nasabing linya.

Pero tinamaan sila ng lockdown. Sarado ang kanilang negosyo. Bawal lumabas ng bahay dahil sa pinaiiral na enhanced community quarantine kaya sino ang magpupunta sa kanilang spa para magpagawa?

Parang sundalong armado sa ganu’ng klase ng laban si Liza Soberano, aral na aral siya sa kanyang manager na si Ogie Diaz, hindi dapat inilalagay sa isang basket lang ang lahat ng mga biyaya.

Saka hindi magastos si Liza, may mga pangarap din siyang mga bagay-bagay, pero alam niya kung kailan siya maglalabas at kung kailan niya kailangang maghintay.

Sabi ni Ogie, “Masinop siya sa pera, alam niya kung kailan siya gagastos at kung kailan niya kailangang maghigpit sa budget.

“Pero pagdating sa family niya, walang disi-disiplina sa pera si Liza, basta kailangan talaga, nakahanda siya sa ganu’n.

“Hindi mo na siya kailangang turuan, alam na niya kung ano ang dapat niyang gawin, mapagpahalaga siya sa pinaghihirapan niya,” sabi ng manager ng young actress.

Sa ipinalalabas na footage ng mga artista ng ABS-CBN bilang pasasalamat sa mga dakila nating frontliners ay humaharap sila nang walang make-up.

Kumbaga sa pagkain ay fresh na fresh sila, sariwang-sariwa ang kanilang itsura, pero sa kanilang lahat ay lutang na lutang ang kagandahan ni Liza Soberano. Hindi siya alipin ng make-up, natural niyang ganda ang kanyang puhunan, lalo na kapag nagsasalita na siya nang mula sa puso.

Sa hanay ngayon ng mga kabataang artista ay si Liza Soberano ang pinakamaganda. Sa kahit anong ayos at sultada ay hindi siya namimili ng anggulo.

Sabi ng kaibigan naming propesor, “Ang ganda, e, resulta ng maganda ring puso. Hindi puwedeng magpanggap ang kagandahan.

“Kapag hindi maganda ang ugali at kalooban ng kahit sino, e, nakikita ‘yun sa itsura niya, hindi naitatago!” madiing paalala ni prop.