Lansang, DENR binulaga ang AFP

Tumabas si Ralph Lansang ng game-high 20 points para bisigin ang bagong saltang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na gulatin ang defending champion Armed Forces of the Phi­lippines (AFP), 90-73, at makauna sa 8th UNTV Cup 2019-2020 best-of-three finals nitong Linggo sa Paco Arena sa Maynila.

Sinamantala ng DENR Warriors ang pag­liban sa AFP Cavaliers nina Wilfredo Casulla, Jeffrey Quiambao at vete­ran playmaker Eugene Tan upang makalapit sa kampeonato.

Kinumpleto ni Lansang ang makinang niyang araw sa sahog pang nine boards habang sumukli ng 15 pts. si MVP candidate Ed Rivera, tig-14 mar­kers sina Ryan Abanes at Desederio Ayson, at naka-13 puntos si Melvin Bangal.

Magandang opensiba ang hinalukay ng DENR nang bumutas ng 50 percent shooting sa 31-of-62 shooting from the field para ibigay sa Cavs ang pangalawa pa lang na talo sa buong salang nila sa ligang inorganisa ni UNTV President at CEO Dr. Daniel Razon at may papremyong tax-free P4 milyon sa magkakampeon.

Sinakalan naman ng National Housing Authority ang galing ni Alvin Vitug para makopo ang third place sa pagpukpok sa Judiciary, 74-67, at makuha ang P1 milyon na ibibigay nila sa charity institution.

Mga umabante naman sa 3×3 event semifinals ang PhilHealth, SSS Kabalikat, Ombudsman at PITC.

Ang iskor:

DENR 90 – Lansang 20, Rivera 15, Abanes 14, Ayson 14, Bangal 13, Atablanco 4, Gamboa 4, Parreño 3, Garcia 3, Mamac 0, Calungcagin 0.
AFP 73 – Almerol 19, Lumongsod 10, Cordero 13, Rosopa 9, Tan 8, Bautista 7, Sergio 5, Pascual 4, Zuniga 0, Araneta 0.
Quarters: 28-17, 43-34, 65-54, 90-73. (Aivan Episcope)