Lao pang-back up ng NLEX

Inumpisahan ng NLEX ang PBA Philippine Cup sa 0-3, ngayon ay umaarangkada na matapos sikwatin ang dala­wang sunod na panalo.

Pero inabot ng setback ang Road Warriors dahil sa season-ending injury na inabot ni Kevin Alas noong Sabado, Peb. 2 sa 87-83 panalo kontra Meralco.

Sa kanang tuhod nagkaroon ng ACL injury ang 27-anyos na playmaker mula Letran, parehong injury na nagpabagsak sa kanya mula March ng nakaraang season.

Sa parehong venue pa niya nakuha – sa Ynares Center sa Antipolo.

Nilagay ng Road Warriors sa active list si roo­kie Kyles Lao pambak-ap kina Mark Tallo, Juami Tiongson at Philip Pani­amogan sa point.

Nakakalimang laro pa lang si Alas mula sa u­nang injury, hindi pa 100 percent pero nag-average ng 8.4 points at team-best 4.6 assists.

Magkasalungat ang paraan ng panalo ng Road Warriors, iniwan ang Columbian Dyip 107-97 bago tinakasan ng tatlong puntos ang Bolts.

“I look at it as a po­sitive sign, us winning in different ways,” ani coach Yeng Guiao pagkatapos ng Meralco game. “The last time we had a comfortable lead, this time we had to win in the endgame. So maganda ring character-buil­ding experience.”

May winning streak na ang Road Warriors, nakarekober at natututo na ang ilang players na makipagpukpukan sa endgame.

“Poy Erram, of course, para matuto rin siyang magdala ng team sa endgame,” dagdag ng coach. “Marion Magat made some important contributions. ‘Yun na nga, we’re trying to give experience to Bong Galanza, to Kenneth Ighalo, in learning how to win games in the endgame.”