Tinuldukan ng UP ang two-game losing streak matapos pagdiskitahan ang Laoag 25-20, 27-25, 11-25, 25-20 ng Shakey’s V-League Season 13 Reinforced Conference sa PhilSports Arena kagabi.

Nagtulong sa opensa sina Nicole Anne Tiamzon at Marian Buitre para ihatid sa 2-3 karta ang Lady Maroons at bahagyang umahon sa team standings.

Naglista si Tiamzon ng 15 markers kasama ang 13 spikes, nagsumite si Buitre ng all-around game na 13 points, eight attacks at eight blocks para sa Lady Maroons.

Kinapos ang 18 puntos ni Grethcel Soltones para itaguyod sa panalo ang Power Smashers na nalaglag sa 2-2.

Sa first game, kinolekta ng BaliPure ang pangalawang sunod na panalo nang kalusin sa straight sets ang Air Force 25-22, 25-19, 25-21 para akbayan sa 2-1 ang Pocari Sweat.

Nasa unahan ang UST (4-1) kasunod ang Customs (3-1). Nabaon sa 1-3 ang Lady Jet Spikers.

“We still need to work on our communication but the team is starting to jell,” lahad ni Water Defenders import Katherine Morrell na nagsumite ng 19 hits mula sa 17 kills.