Nagbigay ng update ang limang ahensiya ng gobyerno kaugnay sa COVID-19 pandemic sa bansa.
Sumalang sa pagdinig ng Senate Committee of the Whole nitong Martes ang Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases, Department of Health, Department of Finance, Department of the Interior and Local Government at Department of National Defense.
Nagbigay sila ng update kung anu-ano ang mga nagawa na at plano ng pamahalaan sa kasalukuyang pandemic.
Dumalo sa pagdinig si Senador Manuel “Lito” Lapid kung saan sumentro ang mga tanong niya sa kahandaan ng mga ahensiya ng gobyerno sakaling magkaroon ng 2nd wave ng COVID transmission sa bansa.
Kabilang din sa itinanong ni “Pinuno” ang COVID test na isinasagawa sa mga Pilipino at mga problema sa pamamahagi ng ayuda sa ilalim Social Amelioration Program (SAP).
Ginisa rin niya ang mga ahensiya kung may mga naparusahan na bang local government unit dahil sa hindi nakapamahagi ng kumpletong SAP sa mga nasasakupan. (IS)