Nagpaalala ang Department of Transportation (DOTr) sa publiko, partikular sa mga magkasintahan, na ituon ang atensyon sa kalsada at hindi sa isa’t isa habang nagmamaneho.
Ito’y matapos kumalat at mag-trending sa social media ang video ng magkasintahan na naghahalikan at naglalampungan habang nagmamaneho ang lalaki.
Payo ng DOTr sa dalawa na nakuhanan ng video, “Okay lang maglambingan, basta nasa ligtas na lugar, pagkakataon at pamamaraan.”
Giniit ng kagawaran na kailangan na magpokus ng driver sa kalsada at hindi sa katabi nito, kung nagmamaneho.
Tila humugot pa ito sa pagdadagdag na, “Minsan, mas okay na bumitaw sa nobya, ‘wag lang sa manibela. No bitter feelings. Just pag-ibig.”
Gayunman, sinabi ng DOTr na nabatid nito na hindi umano naganap ang insidente sa bansa.
Matatandaan na una nang tinanggalan ng mga transportation authority ang lisensya ng lalaking nakuhanan din ng video na nagmamaneho habang nasa passenger seat.