Muling ilulunsad ng Philippine Sports Commission ang family-o­riented, community-based physical fitness  at grassroots sports development program na Laro’t Saya sa Parke 2017 sa mas mara­ming bahagi ng bansa.

Sinabi ni PSC Chairman William Ramirez na layon nilang mas mara­ming maturuan at mabigyan ng aktibidad na mga estudyante, young professionals, miyembro ng pamilya, school teams, indibidwal at mga lolo’t lola para mapangalagaan ang kalusugan.

“We want to re-launch it nationwide next year, para kasama na rin sa buong programa ng PSC for 2017,” wika ni Ramirez sa event na nagtuturo ng free basics sa arnis, volleyball, football, chess, lawn tennis, badminton, taekwondo, sepak takraw karatedo at zumba.

Nasa 1,082 ang naki-Laro’t Saya sa Luneta kahapon, 372 ang dumalo sa kasabayan sa San Juan at 354 ang bumahagi sa QC Memorial Circle.

Dadami pa ang pagdarausan ng Philippine Sports Commission Laro’t-Saya sa Parke “PLAY ‘N LEARN” na nasa pang-apat ng edisyon na.

Tatlo pa lang sa kasalukuyan ang nakapagpatuloy na ng weekend grassroots sports development program – Manila (Luneta), Quezon City (Memorial Circle) at San Juan (Pinaglabanan) sa Metro Manila.

Sinabi ni PSC Research and Planning chief Dr. Lauro Domingo Jr. na hinihintay lang nila ang desisyon ng PSC Board bago umpisahan ang programa katuwang ng local government units.

Umabot sa 508 ang nag-Laro’t Saya sa Luneta nung Linggo – 274 ay nag-zumba, 76 sa badminton, tig-45 sa chess at football, 21 sa lawn tennis, 20 ang nagkaratedo, 10 sa volleyball, 10 ang senior citizens at pito ang nag-arnis.

May 392 ang dumayo sa San Juan – 250 sa zumba, 46 sa badminton, 34 sa volleyball, 21 sa taekwondo, 19 sa arnis, 14 sa football at walong senior citizens. At 456 ang naki-Laro’t Saya sa Circle – 381 sa zumba, 48 sa chess, 15 sa football, pito sa volleyball at lima sa badminton.