Kapwa patay ang da­lawang lalaki na hinihinalang ‘tulak’ ng iligal na droga habang nasa kritikal na kondisyon ang isa pa matapos  pagbabarilin ang mga ito ng hindi pa kilalang mga salarin sa loob mismo ng kani-kanilang bahay sa magkakahiwalay na insidente sa Las Piñas at Pasay City.

Namatay noong din sa pinangyarihan ng insidente ang biktimang si Charlie Capuz 56, naka­tira sa Villa Eusebia De Castro Compound, Brgy. Elias Aldana, Las Piñas City na nagtamo ng tatlong tama ng bala ng hindi pa mabatid na kalibre.

Blanko pa rin ang pu­lisya sa pagkakakilanlan ng mga suspek at nagsasagawa pa ng imbestigasyon.

 Sa report na natanggap ni Police Senior Supt. Jemar D. Modequillo, hepe  ng Las Piñas City Police, naganap ang insidente ala-1:50 ng mada­ling-araw sa bahay ng biktima sa naturang lugar.

Sa pahayag nina Chique, 27 at Cyrille Marisse, 15, mga anak ng biktima, habang nagpapahinga sila sa kanilang bahay  ay biglang pumasok ang mga armadong suspect at pinagbabaril ang kanilang ama.

Samantala, alas-7:55 ng gabi nang pagbabarilin ang biktimang si Jeffrey Corral, 22, sa loob din ng bahay nito sa 2nd St., NAIA Road, Brgy. 194, Pa­say City ng dalawang hindi pa nakikilalang mga suspect habang ang una ay nag­lalaro ng games sa kanyang cellphone.

Kaagad na binawian ng buhay si Corral sanhi ng limang tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng katawan buhat pa rin sa hindi nabatid na kalibre ng baril.

Kritikal naman at nilalapatan ng lunas sa San Juan De  Dios Hospital ang isa pang biktima na si Edward Custodio alyas ‘Dragon’, nasa hustong gulang, ng Sinco De Junio,Brgy. 195, Pasay City matapos itong pagbabarilin ng dalawang hindi kilalang kalalakihan na naka motorsiklo sa natu­rang lugar.