Sinibak sa puwesto ni National Capital Region Police Office (NCRPO) director Chief Supt. Guillermo Eleazar ang hepe ng Las Piñas City Police at ang 36 tauhan nito na nakatalaga sa Station Drug Enforcement Unit (SDEU) matapos masangkot sa hulidap ang apat nilang kabaro.
Itinalaga ni Eleazar bilang officer-in-charge ng Las Piñas City Police si Sr. Supt. Simnar Gran, hepe ng NCRPO Regional Investigation and Detective Management Division, matapos sibakin dahil sa command responsibility si Sr. Supt. Marion Balolong.
Bukod kay Balolong, sinibak din ang buong puwersa ng SDEU na binubuo ng 36 na pulis, sa pangunguna ng kanilang hepe na si Senior Inspector Edgardo Tigbao.
Nabatid na itinalaga muna sa Accounting and Holding Unit ng Southern Police District sina Balolong at Tigbao.
Ipinatupad ang sibakan dahil sa nabuko na pangongotong umano ng apat na pulis na nakatalaga sa SDEU, ng halagang P200,000 mula sa pamilya ng suspek sa droga na si Cyrus Glema Liguitan na residente ng Cavite, kapalit ng kalayaan nito.
Matapos magtawaran, bumaba sa P30,000 ang perang hinihingi ng mga suspek na pulis.
Kinilala ang apat na pulis na sina PO3 Joel Lupig, PO2 Vener Guanlao, PO1 Mark Jefferson Fulgencio, at PO1 Jeffrey de Leon.
Nilatagan ng entrapment operation ang mga naturang pulis pero pinakubra nila ang pera sa isang 13-anyos na binatilyo kaya ito ang dinampot ng mga operatiba noong Miyerkoles nang gabi sa Las Piñas City.
Dahil dito, ipinag-utos ni Eleazar ang manhunt operation laban sa apat na pulis.
Sabi ni Eleazar, ikinanta rin ng binatilyo ang apat na pulis na anim na beses na siyang inuutusan sa maling gawain.
“Matagal ko nang sinasabi sa kanila na huwag silang gumawa na nakakasira sa kanila, pero matitigas ang mga ulo, kaya nga tinaas nila ang kanilang mga suweldo para hindi sila makagawa nang ganitong uring masasama,” ayon kay Eleazar.