Lasing na COA lawyer namaril ng pulis

Arestado ang abogado ng Commission on Audit (COA) na sinasabing lasing matapos umanong barilin ang mga pulis na umaaresto sa kanya dahil sa iligal na pagpapaputok ng baril sa bayan ng Solano, Nueva Vizcaya sa pagpasok ng Bagong Taon, Miyerkoles ng madaling-araw.

Kinilala ni Solano Police Station (SPS) chief-of-police Police Maj. Ferdinand Laudencia ang suspek na si Atty. Alvin Endrinal, 39, ng Salgado Apartment, Purok Ilang-ilang, Brgy. Quirino sa nasabing bayan.
Ayon kay Laudencia, naganap ang insidente alas-2:30 ng madaling-araw sa harap ng bahay ng suspek.

Sa report, sinabi ng SPS, si Endrinal umano ay lango sa alak nang magsimulang magpaputok ng kanyang .40 pistol sa labas ng kanyang apartment.

Dahil sa takot, tumawag ng pulis ang mga kapitbahay upang maawat ito sa pagpapaputok ng baril.

Ngunit pagdating ng mga rumespondeng pulis na aawat sa kanya ay bigla na lamang niyang (Endrinal) pinaputukan ang mga mga ito na mabilis namang nag-cover sa ligtas na lugar.

Pagkaraan ng pamamaril, sumuko ang abogado matapos ibigay ang kanyang baril sa kanyang live-in partner at hindi ipinakita sa mga awtoridad ang kanyang firearm license.

Nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ang nasabing abogado. (Allan Bergonia)