Lasing na katrabaho inihatid para gahasain

Arestado ang isang binata matapos mabisto ang panghahalay nito sa katrabahong casino dealer sa inuupahang kuwarto sa Pasay City kamakalawa.

Himas-rehas ngayon sa detention cell ng Pasay City Police ang suspek na si Davin Pascua y Calumba, 27, casino dealer ng City of Dreams (COD), ng 2184 17 De Marso Brgy. Baclaran, Parañaque City matapos ireklamo ng rape ng biktimang itinago sa panga­lang Jema, 24, dalaga, casino dealer ng COD na nasa ASEANA Boulevard kanto ng Macapagal Avenue, Barangay Tambo, ng nasabing lungsod.

Sa report ng Sou­thern Police District (SPD), dakong alas-5:50 ng mada­ling-araw kamakalawa nadiskubre ng testigong si April Jovellano, emple­yado ng COD ang panggagahasa ng suspek sa dalagang roommate nito sa loob ng kanilang nire­rentahang silid sa JMB building, Malibay, Pasay­ City.

Bago ang insidente, nagkaroon muna ng inuman sa apartment ng suspek kasama ang ilang empleyado ng COD kabilang ang biktima nitong Linggo ng gabi.

Pagsapit ng alas-dos ng madaling-araw nitong Lunes, inihatid ng suspek ang lasing na biktima sa inuupahang kuwarto sa Pasay City.

Laking gulat ni Jovellano pagdating nito galing trabaho nang maabutan ang suspek na nakahubad at nakapatong sa walang malay na roommate.

Agad nakahingi ng tulong si Jovellano sa mga kapitbahay at sa barangay kaya nadakip ang suspek.