Lasing na nagmaneho, 2 sa motorsiklo humampas sa semento, dedo

Todas ang dalawang lalaki na umano’y lasing sa alak matapos silang humampas sa isang concrete bean habang nakasakay sa motorsiklo sa kalsada ng Barangay Poblacion 4, Pasuquin, Ilocos Norte noong Huwebes nang gabi.

Kinilala ng Pasuquin Police Station (PPS) ang biktimang sina Mark Gregory Villa, 24, driver, ng Brgy. Naglicuan at sakay nitong si Gerald Dominic Isaac, 30, ng Brgy. Poblacion 2 ng nasabing bayan.

Ayon kay PPS chief investigator P/CMSgt. Roel Silvestre, nangyari ang insidente bandang alas-11:15 nang gabi sa kahabaan ng Brgy. Poblacion 4 sa nasabing bayan.

Sinabi ni Silvestre na galing umano sa isang inuman ang dalawang biktima at papauwi na nang mangyari ang ­insidente.

Sa bilis ng kanilang pagpapatakbo, nawalan ng kontrol si Villa sa manibela dahilan para humampas sila sa concrete bean.

Dito, tumama ang mga ulo at katawan ng mga biktima sa concrete barrier sanhi ng kanilang pagkamatay bago dumating ng Governor Roque Ablan Senior Memorial Hospital. (Allan Bergonia)