Lassiter, San Miguel nilango ang Meralco back-to-back

Laro ngayon
(Calasiao, Panga­sinan)
5 pm – Ginebra vs. Rain or Shine

Nagsalitan sina Arwind Santos at Marcio Lassiter ng atake sa third quarter at dumiretso ang San Miguel Beer sa kumbinsidong 105-93 panalo laban sa Meralco sa Ynares Center sa Antipolo Biyernes nang gabi.

Nagtuhog ng tig-pitong puntos sina Lassiter at Santos sa final 4 minutes ng third, bago dumistansiya ng hanggang 85-63 ang Beermen sa layup ni Christian Standhardinger tungo sa kambal na panalo, kasama ang sa Ginebra.

Angat sa 2-1 ang five-time defending champion SMB, nakibuhol sa nanggugulat na Columbian Dyip at NorthPort sa second place ng PBA Philippine Cup elims.

Tumapos ng 25 points at 8 assists si Lassiter na 5 for 9 shooting sa labas ng arc. May 20 points at 11 rebounds si June Mar Fajardo, naka-14 mar­kers si Standhardinger. Nag-deliver si Santos ng double-double ding 12 points at 10 rebounds.

Laglag sa 1-2 ang Bolts, pinamunuan ng 13 points ni John Pinto at 12 ni Ranidel de Ocampo.

Sa unang sultada, ipinagdiinan ng Dyip na hindi na sila puwedeng bale-walain ngayon nang sorpresang saga­saan ang Batang Pier 110-100.

Dating ginagawang palabigasan ng ibang teams, kinolekta ng Dyip ang best start sa season.

Naiwan hanggang 66-56 Dyip sa third, nagkasa ng 17-2 run mula dulo ng period patawid sa bukana ng fourth para iposte ang 91-79 lead.

Ipinoste ni rookie JP Calvo ang walo sa kanyang 12 points sa fourth nang dumistansiya ang Columbian 105-91 sa final 2:28.

“Big win again,” bulalas ni Coach Johnedel Cardel.

Binundol din ng Columbian ang heavyweight San Miguel 124-118 sa unang laro bago tumukod sa Phoenix 108-98.