LAST CHANCE KAY BATO

Huling hirit na para kay Philippine National Police (PNP) chief Ronald ‘Bato’ Dela Rosa kaya dapat maging mas maingat na ito sa kanyang trabaho bilang pinuno ng pambansang kapulisan.

Ayon kay Dante Jimenez, chairman ng Volunteers Against Crime and Corruption (VACC), ‘last chance’ na ang ibinibigay nila kay Dela Rosa kaya’t nakatutok sila sa bawat galaw nito.

Sinabi ni Jimenez na nauunawaan nila ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na suportahan si Bato sa kabila ng malaking eskandalo dahil sa pagkamatay ng Korean businessman na si Jee Ick-Joo sa mismong bakuran pa ng PNP.

Naniniwala ang VACC na hindi isolated case ang pagpatay kay Joo dahil lumalabas na mayroong trend na ginagawa ito ng mga tauhan ng PNP kaya’t hinihiling nila kay Bato na magsagawa ng mas malalimang imbestigasyon.

Panahon na rin umano na magsagawa ng internal cleansing sa hanay ng pulisya upang muling maibalik ang tiwala ng taumbayan at ang mismong integridad ng organisasyon.

Kaugnay nito, ipinahayag naman ni Dela Rosa na may 100 pulis ang mapapabilang sa ilalim ng bagong tatag na counter intelligence task force (CITF) na tututok sa internal cleansing ng PNP.

Ipinabatid din ni Dela Rosa na ang mamumuno ng CITF ay si Sr. Supt. Jose Chiquito Malayo na dating nakatalaga bilang city director ng Zamboanga City Police Office (ZCPO) lalo na nang naganap ang madugong Zamboanga siege at minsan na ring nabihag ng mga rebeldeng Moro National Liebration Front (MNLF) subalit nagawa nitong makumbinsi ang mga bumihag na kaniya na magsisuko sa batas.

Sinabi ni dela Rosa na sa Camp Crame na si Malayo at nag-report na sa kanya at inatasan nang si simulan agad ang kanyang trabaho.

Sa ngayon ay sinisimulan na nilang maghanap at magsala ng mga pulis na bubuo sa task force.

Binigyang diin ni PNP chief na kailangang maging maingat sila sa pagkuha ng mga tauhan para sa task force upang hindi masingitan ng mga pulis na may mantsa o masamang record.

Kung maaari aniya ay mala santo ang katangian ng mga pulis na makakatuwang ni Malayo sa paglinis sa hanay ng PNP.