Last flight ni Pangulong Duterte gagawin sa Sangley Point

Gagamitin ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Sangley Point sa kanyang huling flight bilang Pre­sidente pabalik sa Davao City.

Inihayag ito ng Pangulo matapos pangunahan ang inagurasyon ng Sangley Airport Development Project sa Sangley Point, Cavite.

Isinabay na rin sa aktibidad ang presentasyon ng Sangley Point International Airport passenger terminal building.

Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Duterte na dalawang taon na lamang ang nati­tira sa kanyang termino at nais nitong gamitin ang bagong airport bilang kanyang huling flight pabalik sa Davao City.

“I’m just two years away and I will go home and pach-up and use the flight or my last flight as long as it will not go down there in the sea. I will take my last flight as President to Davao. I will use this airport,” anang Pangulo.

Sa kanyang talumpati, pinapurihan ni ­Pangulong Duterte si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade dahil sa desisyon na ipursigi ang project bilang alternatibong paliparan.

Matatandaang umusbong ang ideya na gamitin ang Sangley Point bilang alternatibong airport matapos ang dinanas na problema sa mga pangunahing airports sa Metro Manila na naging dahilan para maantala ang maraming flight noong nakalipas na taon. (Aileen Taliping)