Mga laro ngayon (Malacca Stadium)
3:00 p.m. — Philippines vs. Singapore
5:00 p.m. — Thailand vs. Indonesia
7:00 p.m. — Opening Ceremonies
8:00 p.m. — Malaysia vs. Vietnam

Sisindihan ng Perlas Pilipinas ang kampanya sa SEABA Women’s Championship laban sa Singapore ngayong hapon sa Malacca, Malaysia.

Ito ang unang torneo ng Pilipinas sapul nang sumampa sa level 1 ng kumpetisyon sa FIBA Asia Women’s Championship noong nakaraang taon.

Sa kahuli-hulihang sandali, binalasa ang Perlas.

Ipinasok sa lineup si Andrea Pontejos kapalit ni Ewon Arayi, ang pinakamatagal nang mi­yembro ng national team. Na-dengue ang beterana at dinala sa V Luna Hospital noong isang linggo. Naka-recover na si Arayi at sumama rin sa team, pero hindi nabigyan ng clearance ng doktor para maglaro.

“Kaya kona nga maglaro, kaso lang ‘yung doctor namin sa Navy ayaw ako bigyan ng clearance. Gusto niya magpahinga ako,” ani Arayi, miyembro ng Philippine Navy.

Nitong Lunes ay nakumpleto na ang team matapos dumating sa Malaysia ang mga humabol na sina head coach Patrick Aquino, Afril Bernardino at Jack Animam ng NU Lady Bulldogs na lumaro pa sa UAAP.

Si Bernardino ang UAAP MVP, starting center ng NU si Animam. Head coach din ng Lady Bulldogs si Aquino.