Laure ayaw pasindak sa La Salle

Nangako si University of Santo Tomas star EJ Laure na bibitbitin ang UST kontra La Salle sa pagtutuos nila sa UAAP Season 79 women’s volleyball tournament sa The Arena sa San Juan ngayon.

Target ng La Salle na masigurado ang twice-to-beat edge sa ­Final Four pero balak itong pigilan ni Laure. Nasa laban pa para sa semis ang ­Tigresses.

“Siguro sabi din kasi ni coach (Kungfu Reyes) na kailangan namin mag-step up kahit sino sa amin so ‘yun ang nasa utak ko,” saad ng third year outside hitter ng UST.

Nagpakawala si Laure ng 20 points sa panalo ng UST sa FEU noong Sabado at balak niyang ulitin ito kontra La Salle.

Mataas ang kumpiyansa ng La Salle na nagbulsa ng apat na sunod na panalo pero hindi nagpapatinag ang panganay na anak ni dating PBA ­player Eddie Laure.

“Siguro we’ll treat La Salle as a normal game lang na parang ‘di sila No. 2 or No. 1 so hindi namin ipe-pressure ang sarili namin,” pahayag niya.

Naniniwala ang 19-anyos na spiker na nagbubunga na ang mga ­pinaghihirapan nila sa training at hindi nila sasayangin ito.

“Siguro naman oo at saka syempre grabe din ang tine-training namin at grabe ang double time namin sa ­depensa at saka sa palo,” saad niya.

Apat na taon na rin ang ­nakakalipas nang huling makapasok sa ­Final Four ang UST at kating-kati na si Laure na muling makabalik dito.