Bubuwelta sina Ejiya ‘Eya’ Laure at Cherry Ann ‘Sisi’ Rondina, at ang University of Santo Tomas sa pagbunton ng ngitngit sa University of the East para makabalik-win co­lumn sa pagpapatuloy ng UAAP season 81 women’s indoor volleyball tournament se­cond round eliminations sa Big Dome.

Papasok sa alas-2 ng hapong hambalusan sa Big Dome sa Quezon City ang kabilang sa three-way tie sa third sa stan­dings na Golden Tigresses na may 6-4.

Pero galing sa pagkatalo kontra De La Salle University Lady Spikers noong Linggo, Marso 31, 25-21, 23-25, 19-25, 24-26.

Aminado si super roo­kie Laure na hindi sapat ang kanyang performance sa laban kaya walang ibang nasa kukote kundi ang pagresbak at ulitin ang pagsalya nila sa first round sa Lady Warriors noong Mar. 17 via straight set.

“Marami, marami akong natutunan, na marami pa akong kakaining bigas talaga, and kailangan ko pa matutunan na i-compose din ‘yung sarili ko after every game talaga,” dada ni Laure, na naka-20 points kontra defending champs Lady Spikers. (Janiel Abby Toralba)