Tuloy pa rin ang pag-aalburoto ng Mount Mayon subalit kapansin-pansin na bahagyang humina ang naitatalang lava fountaining, ayon sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs).
Sa monitoring sa nakalipas na 24 oras ay tumatagal na lamang ng 5 hanggang 20 minuto ang lava fountaining sa Bulkang Mayon, malayo sa 10 minuto hanggang 233 minuto na naitala noong nakaraang linggo gayundin ay malalayo ang pagitan ng oras ng paglabas ng lava kumpara sa aktibidad nito sa mga nakalipas na araw na kada oras ay may lava fountaining na naitatala.
Ayon kay Phivolcs Research Analyst Head Paul Alanis, nananatiling maga ang Mayon at sa kanilang pagtaya ay marami pa itong laman na lava sa loob kaya maaari pang sumabog nang malakas.