Lawal balik aksiyon sa Bolts

Lawal balik aksiyon sa Bolts

Binalik ng Meralco si import Gani Lawal kahalili ni Jimmie Lee Taylor bago ang laro ng Bolts kontra NLEX sa second game sa Mall of Asia Arena sa Pasay mamaya.

Binabagabag ng sore hamstring ang Nigerian-American na si Lawal kaya iniupo.

Nakaisang laro lang si Taylor, ‘di naisalba ang Bolts sa 104-91 loss sa TNT KaTropa noong Sabado.

Disenteng 13 points mula 5 of 10 shooting at 18 rebounds ang isinumite ni Taylor, pero wala sa kanya ang hinahanap na eksplosibong opensa ni coach Norman Black.

Nakatatlong panalo kontra apat na talo na ang Meralco sa Philippine Basketball Association Commissioner’s Cup elims, kailangang magmadaling magsalansan ng ‘W’ para makahabol sa playoffs.

“You can see that Gani’s more productive as a player, especially on the offensive end of the floor,” lahad ni Black. “Maybe Jimmie can match up as far as rebounding is concerned, but I think Gani’s a better offensive player.”

Mas malaki ang problema ng NLEX dahil mailap pa rin ang breakthrough win tapos ng anim na salang.

Huling sumadsad ang Road Warriors sa Magnolia 98-88 nitong Biyernes.
Tapos ng tatlong larong pagliban para makapahinga, bumalik si coach Yeng Guiao sa NLEX. Magkasama na ulit sila ni Jericho Cruz, nai-trade sa NLEX mula TNT via NorthPort.

Sa kanyang debut sa Road Warriors, at unang laro sa nakalipas na tatlong buwan, nagsumite si Cruz ng 6 points, 3 rebounds, 8 assists at isang steal. Dating hinawakan ni Guiao si Cruz sa Rain or Shine.

‘Di pa kita ang dibidendo, pero mas aangas ang backcourt ng NLEX kapag nakabalik na sina Kiefer Ravena (FIBA suspension) at Kevin Alas (injury). (Vladi Eduarte)