Binulaga ang mga Filipino habang abala sa paghahanda sa pagsalubong sa Bagong Taon sa balitang pambugbog at pananakit ng mag-amang politiko sa isang pulis-Iloilo.

Hindi lang basta sinaktan ang kawa­wang pulis, ipinahiya pa ang alagad ng batas sa mata ng publiko.

Hindi na bago ang ganitong insidente. Marami nang pagkakataon na nasasangkot ang mga ‘mambabatas na siya mismong lu­malabag sa batas.’
Hindi lahat ng mga ‘lawmaker ay lawbreaker,’ subalit may ilan talaga ang umabot na sa ulo ang pagkakaroon ng kapangyarihan. Nalunod sa taglay na ‘poder’ na bigay ng taong-bayan.

Naalala n’yo pa ba ang insidente sa NAIA, na ipinahiya ng isang mambabatas ang kawawang ‘immigration employee’ na ginagawa lamang ang trabaho?

Sa kasong ito ng isang pulis-Iloilo na hindi nagustuhan ng mag-amang politiko ang kanyang trabaho, dapat bang duraan at hubaran ng uniporme sa harapan ng mga tao?

Paglabag ito sa karapatang pantao.

Ang malungkot, ang hepe ng kawawang pulis-Iloilo, walang ginagawa para ipagtanggol ang kanyang tao at kabaro. Tila kasabwat pa ng abusadong mag-amang politiko.

Kay suwerte ng mga politiko sa bansang ito. Nasa kanila ang lahat. Pera, impluwensiya at pondo. May ‘pork barrel’ na, may komisyon pa. May ‘police escort’ na, may badigard pa, na ang suweldo, marahil ay galing sa pera ng mga tao. Sa malalayong bayan, may ilang politiko na may bayarang ‘armadong-grupo.’

***

Dapat lang alisin na ang mga pulis na umaaktong ‘badigard’ ng mga politiko. Alisan na rin ang mga sibilyan na mayroong mga ‘police escort.’ Tinanggap sa Philippine National Police ang mga gustong mag-pulis para mag­serbisyo sa mga komunidad at publiko, hindi para maging alalay o ‘muchacho’ ng mga politiko at pribadong tao.

Kawawa ang mga pulis na namatay at nakasuhan dahil nadamay lamang sa kontrobersiya na kinasangkutan ng mga personalidad na hindi naman totoong ‘amo.’

Dahil pinayagan ng PNP ang kanilang mga pulis na maitalaga sa mga personalidad bilang ‘security detail,’ hindi maiaalis na madamay ang mga ito sa gulo na kinasasangkutan ng kanilang “VIP’ na kinalauunan ay nagiging amo.

Bawiin na ang mga pulis sa mga politiko at ibalik sa kanilang ‘mother unit’ para makapaglingkod sa kanilang tunay na amo. (Benjie Alejandro)