Nakatikim ng mura kay Pangulong Rodrigo Duterte ang mga raketerong pulis na ginagawang tambayan ang Okada at nagbantang pababantayan ang lugar sa mga militar kapag hindi lumayas dito ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) na wala namang “business” para magpunta sa nasabing establisimiyento.

“‘Yung Okada diyan p****** i**** ‘yan. I’d like to announce, lahat ka­yong mga pulis umalis kayo diyan. It’s crawling with usurers, kidnappers. So ako ang magdaan diyan ‘pag nakita ko kayo p**, sagasaan ko kayo,” pahayag ng Pangulo.

Sinabi ito ni Pangulong Duterte sa kanyang talumpati sa inagurasyon ng Cavite Gateway Terminal na ginanap sa Brgy. Capipisa East, Antero ­Soriano Highway, Tanza, Cavite nitong ­Huwebes.

Kahit aniya police car ay ayaw niyang makita na nakatambay sa Okada.

Kapag hindi aniya sumunod sa kanyang ipinag-uutos ang mga pulis ay si­sibakin niya sa serbisyo at magtatalaga siya ng mga sundalo para magpatrolya sa Okada.

“That’s an order because you are there to commit a crime. Kung wala kayong — you are not assigned there. Or I will assign the Army to patrol. Which do you want? Magbarilan kayo o sumunod kayo?” anang Pangulo.