Natuwa ang 28-anyos na si “Beverly” nang dumating nang maaga ang inaakala niyang Samsung keypad phone na binili niya sa “12.12” sale ng Lazada na nag-umpisa noong Disyembre 10.

Nagpuyat pa siya noong Disyembre 9 para ma-check out niya agad sa kanyang cart ang buy 1-take 1 na Samsung keypad phone pagpasok ng madaling-araw ng Disyembre 10.

Binuksan niya muna ‘yung package bago iabot ang bayad sa nagde-deliver. Nagduda siya dahil box pa lang ay walang nakalagay na Samsung.

Nang binuksan na ang box, may nakasulat naman na Samsung ‘yung telepono kaya tinanggap na rin niya. Naisip niyang baka kaya naka-sale dahil hindi maayos ang box dahil ginagawa din ito sa mga tester ng pabango. Pinalampas na lang niya ang chakang box.
Balak dapat niyang gamitin ang cellphone sa pagbebenta ng load sa sari-sari store.

Sa halagang P720 na buy 1-take 1 na Samsung phone, sulit na sulit na iyon dahil mukhang pareho lang ng ginagamit niya ngayon sa tindahan na mahigit P1,000 ang bili niya.

Nang lagyan niya ng SIM para i-test ang unit ay puro error messages lang ang kanyang nakukuha.

Naisipan niya tuloy ikum­para ang kabibili lang na cellphone at ang cellphone na dala­wang taon na niyang gamit.

Sa pagkukumpara ay higit na magaan ang peke na cellphone at walang manual na kasama, hindi tulad ng ­totoong Samsung.

Sunnyside PH ang pangalan ng seller nito sa Lazada.

Mahirap ding pagkatiwalaan ang ratings na nasa Lazada dahil 3.9 stars ang ratings ng pekeng Samsung na binebenta ng Sunnyside PH.

Sa 28 na bumili, 18 ang nagbigay ng 5-star rating at anim lang ang nagbigay ng 1-star rating.

Pagkatapos mag-fill up ng return form sa Lazada si ­Beverly, naisipan niyang bigyan ng 1-star rating ito pero hindi na ito available sa options kaya hindi na niya ma­bigyan ng babala ang iba pang maloloko nito.

Nag-email ang Abante Tonite sa ceo@email.Lazada.com.ph para tanungin ang CEO ng kompanya na si Ray Alimurung tungkol sa patakaran nito sa pagbebenta ng peke ngunit wala pa itong sagot as of press time.

Si Alimurung ay asawa ni Quezon City Vice Mayor Joy Belmonte.