Lea pumalag sa ‘no mask, no entry’ concert

Happy Valentine’s!

It’s the busiest season for concerts kaya kaliwa’t kanan ang live shows ngayong weekend.

Kahit may health scare dahil sa Coronavirus, siguradong dagsa pa rin ang mga manonood sa iba’t ibang concert venues.

Tonight ang “Rachelle Ann Go: The Homecoming” concert sa Marriott Grand Ballroom sa Resorts World Manila.

Mahigpit ang bilin sa mga manonood nito na, ‘No mask, no entry’. Kaya nagpasabi na si Rachelle Ann sa kanyang IG post na, “Sorry for the inconvenience”.

Medyo hassle ‘yon na kailangang naka-mask para makapasok sa venue dahil hindi naman lahat ay gustong magsuot ng mask, lalo na kung manonood ka ng concert.

Ang sabi ng Marriott, all guests are required to wear face masks inside the venue. Bukod pa ‘yon sa thermal scanning for temperature check every time guests enter the venue.

Hirit tuloy ng isa sa mga guest ni Rachelle Ann na si Ms. Lea Salonga, “Pati sa guest singers (may mask)? Sige magsusuot ako. Habang kumakanta. Hehehehehe.”

Sagot dito ni Shin (palayaw ng West End singer-actress), “HAHAHA. Sige pagawan kita kay @oz_go with Swarovski.”

Si Oz Go ay brother ni Shin na fashion designer at tagagawa ng kanyang mga gown.

Ngayon din ang unang gabi ng 2-night “Unified” concert nina Regine Velasquez at Sarah Geronimo.

May infrared thermometers sa bawat entrance ng Araneta Coliseum at lahat ay kailangang magpa-check ng temperature sa nurse station bago pumasok sa venue.

Ang mga customer na mataas ang temperature ay hindi raw papayagang makapasok sa Big Dome. Ine-encourage din ang lahat na magsuot ng face mask.

Tonight din ang simula ng 7-night Valentine concert series nina Pops Fernandez at Martin Nievera na “Twogether Again” sa The Theatre at Solaire.

Mukhang wala namang ‘no mask, no entry’ policy sa Solaire, pero sinisiguro nito at ng producers na DSL Productions at Starmedia Entertainment ang wellness and safety ng concertgoers.

“We encourage everyone to abide by the venue’s safety guidelines for a safe and enjoyable concert experience for all,” ang sabi sa pinost nina Pops at Martin.

Kalerky! Ganu’n ang epekto ng epidemyang dala ng nCoV, na kung tawagin na ngayon ay COVID-19.

Nakakapraning, pero tuloy pa rin ang ligaya sa Araw ng mga Puso!
PAK!!

Charo-Daniel lalaban sa Cannes

Puring-puri ni Ma’am Charo Santos-Concio si Daniel Padilla na nakasama niya sa isang indie film.

Bagyong Yolanda ang setting ng pinagsamahan nilang pelikula na “Whether the Weather is Fine” na kinunan sa Tacloban.

In fairness ay mabait at humble naman talaga si Daniel, bukod pa sa magaling na aktor at pogi. Kaya hindi kataka-takang all-praises sa kanya ang batikang aktres at dating presidente ng ABS-CBN.

Malapit kay DJ ang pelikulang ito dahil taga-Tacloban ang madir niyang si Karla Estrada at nakita niya noon nang personal ang matinding pinsala na dinulot ng bagyong Yolanda.

Ang sabi ng isa sa producers nito na si Atty. Joji Alonso, inabot ng 6 years bago ito natupad at ito na raw ang pinakamahirap na pelikulang ginawa niya.

Feature film debut ito ng movie editor na si Carlo Francisco Manatad. Ang dinig namin ay panlaban ito sa Cannes at bongga kung makakarampa sa nasabing filmfest sina Daniel at Ma’am Charo.

Jin tinakwil ang mga kaibigan anti-Kapamilya

Triggered ngayon ang maraming Kapamilya stars dahil sa bantang pagsasara ng network dahil sa problema nito sa franchise.

May mga taga-ABS-CBN na ina-unfriend ‘yung mga kaibigan at kakilala nilang sumusuporta sa shutdown o ginagawang biro ang seryosong isyu na ito.

Kasama roon ang Ultimate Bidaman ng “It’s Showtime” na si Jin Macapagal. Ina-unfriend daw ni Jin ‘yung mga nakikita niyang gano’n na ginagawang joke ang bagay na ito.

Doon din daw niya nakikita kung anong klaseng tao ‘yung mga ibang friends niya.

Tumatanaw siyempre ng utang na loob si Jin sa Kapamilya network dahil dito siya nakilala and because of Bidaman ay naging part siya ng “It’s Showtime”, tapos ngayon ay nagpepelikula na siya.

Kasama si Jin sa “Us Again” ng Regal Films at may konek siya rito sa karakter ni Jane Oineza, na nakaeksena niya noon sa Bidaman at ngayon ay kasama na niya si movie.

Tinuturing daw ni lucky charm ni Jin si Jane. Si RK Bagatsing ang leading man ni Jane sa Regal movie na showing sa February 26.