MAS mainit na ang agawan at pakulo ng The Voice Teens coaches na sina Lea Salonga, Sarah Geronimo, Bamboo at Sharon Cuneta.
Huling pagkakataon na nila ngayong Sabado (June 3) upang mapuno ng teen artists ang kanilang teams para sa pag-uumpisa ng battle rounds bukas (Linggo, June 4).
Kapana-panabik ang mga kaganapan sa huling blind auditions. Walang padadaig sa coaches na pare-parehong sabik na makuha ang pagkapanalo sa unang teen edition ng timpalak.
Mula sa panalo niya sa nakaraang season ng The Voice Kids, determinado si Coach Lea na makamit ang back-to-back title bilang kampeon ngayong edisyon.
Wagas ang kanyang dedikasyong ibigay ang lahat ng kanyang kaalaman bilang international Broadway superstar.
Mas matapang ang pagbabalik sa kumpetisyon ng Popstar Royalty na si Coach Sarah.
Hindi siya nagpapadaig sa kapwa coaches pagdating sa pakikipag-agawan makuha lamang ang puso ng teen artists.
Patuloy ang pagbuo at pagpapalakas ni Coach Bamboo sa pagpili niya ng mga naiibang talento at teen artist na mayroong kakaibang estilo sa pagkanta.
Bagama’t ikalawang season pa lamang bilang coach, ipinagmamalaki ng Megastar ang kanyang kontribusyon sa industriya bilang singer-actress sa loob ng 40 na taon.
Maraming kabataan ang agad humahanga at napupukaw na sumama sa kanyang team.
Unang nakumpleto ang Team Sarah na mayroon nang 14 artists. Tig-iisang teen artist na lang ang hinihintay ng Team Lea, Team Bamboo at Team Sharon.
Puno ng pasabog ang battle rounds bukas dahil nagbabalik ang STEAL, na magbibigay kapangyarihan sa ibang coaches na kunin ang teen artists na hindi pinili ng kanilang orihinal na coach na magpatuloy sa kumpetisyon.
Matupad kaya ng coaches ang kanilang mga pangako sa kanilang teen artists?
Ano kaya ang kanilang magiging hakbang upang makuha ang pinag-aagawang titulo bilang winning coach ng unang The Voice Teens champion?
Samantala, hindi lamang sa telebisyon namamayagpag ang The Voice Teens kung hindi pati na rin sa online world.
Ginawaran kamakailan ang The Voice Teens channel ng Silver Button award mula sa YouTube matapos itong magkamit ng 100,000 subscribers sa loob ng 10 na araw.