Hindi lamang ang ­media ang nakakapuna sa kakaibang pamamahala ni Quezon City Police ­District Director Senior Supt. Guillermo Lorenzo­ Eleazar sa l­ungsod Quezon­.

Aba’y  iniidolo pala ito ng kanyang mga tauhan sa QCPD dahil ­mabangis daw ito sa mga tiwali at kontaminadong pulis.

Pero take note, mapagkalinga rin daw si Sir sa nararapat na bigyan ng pagkilalang mga tauhan.

Kaya naman sinabi ni QCPD Station 11 commander Supt. Christian Dela Cruz na maituturing na leadership by example ang istilo ng pamumuno ni Supt. Eleazar na pinipilit nilang ipakitang paraan ng liderato dahil ganito rin ang ipinapakita ng kanilang pinuno sa pamumuno na nababatay sa tinatawag na “Solomonic Wisdom”.

Ang dalawang mukha ng pamamahala ni Supt. Eleazar ay naipamalas kamakailan lamang nang kilalanin ni Sr. Supt. ­Eleazar ang katapatan ng isang miyembro ng District Traffic Enforcement Unit (DTEU) ng QCPD na si SPO2 Raul Nadera na nakapulot ng pitaka na naglalaman ng P13K at naisoli sa may-ari na si Romeo Orbe matapos­ makipagtulungan sa ­Super Radyo DZBB.

Naisauli sa may-ari ang pitaka at pera nang walang labis at walang kulang, isang patunay na may mga pulis pa na mapagkakatiwalaan at hindi magdadalawang isip na magpakita ng katapatan.

Kaya bilang pagtangi sa kanyang katapatan ay binigyan ito ni Sr. Supt. Eleazar ng pagkilala sa kanyang mabuting gawa sa idinaos na flag raising ceremony.

Taliwas naman ito sa inabot ng dalawang tauhan ng QCPD Station 11 na sina PO2 Marciano­ Cudia at PO2 Orlie Zinampan na inireklamo ng pangongotong matapos  mambiktima umano ng isang motorista sa isang checkpoint.

Ayon sa complainant na si Adrian Ronquillo, sinita siya sa checkpoint ng dalawang pulis at inakusahang peke ang kanyang lisensya kaya binitbit siya sa presinto pero pinalaya kapalit ng P4K.

Hindi siyempre kinunsinti ng hepe ng QCPD Station 11 na si Supt. Dela Cruz ang ginawa ng dalawang tauhan at ipinagharap ng kaukulang kaso sina Cudia at Zinampan.

Ang dalawang senar­yong ito sa QCPD ay isang prinsipyo ng ­“reward the good, punish the evil” na sinasandalan ng liderat­o ni QCPD  Director ­Eleazar na sa tingin ko ay dapat namang taglayin ng bawat miyembro ng kapulisan at ng kanilang mga pinuno para ipamalas ang pagiging isang mabuting ehemplo.