KUNG ngayon na magsisimula ang NBA playoffs, kumpleto na sana ang gear ni LeBron James.

Mula sa sleeve jacket hanggang sneakers, naihanda na ng The King.

Parang school kid na gabi bisperas ng unang pasok sa eskuwelahan ay nakaayos na ang mga gamit.

Gigil at handa nang bumalik sa playoffs si LeBron pagkatapos lumiban noong isang taon sa unang season niya sa Los Angeles Lakers.

Sa Instagram, pinakita ni James ang panlaban niyang kicks.

Kulay puti, yellow ang sintas at dotted ng gray. Ang dila ay yellow-black na parang zebra, pati ang suwelas.

Bagong Nike Playoff 17 PE.

“Damn playoffs was set to start today,” caption ni LeBron.

April 18 sana ang umpisa ng first round ng playoffs pero sinuspinde ng NBA ang natitira pang mga laro sa regular season noong March 11 dahil sa coronavirus disease 2019.

Liyamado sa 2019-20 season ang Lakers.

Hindi sila nabaklas sa unahan ng Western Conference standings, bago tinigil ang mga laro ay hawak ang 49-14 record. (VE)