LeBron balik trabaho, Sacramento nilumpo

Isang araw matapos ang emosyonal na tribute kay Kobe Bryant sa Staples Center, back to business na ang Los Angeles Lakers.

“Phenomenal,” ani Clippers coach Doc Rivers sa emosyonal na tribute.

“Beautifully done,” wika ni Timberwolves coach Ryan Saunders.

Sabado ng gabi, dumayo ng Sacramento ang Lakers para ibaon ang Kings 129-113 para kolektahin ang unang panalo sapul nang mamatay si Kobe sa helicopter crash noong Jan. 26.

Inalala rin ng Lakers sa tribute ang walo pang namatay sa crash, kasama ang anak ni Kobe na si Gianna, 13.

Malamya ang shooting (6 of 15 overall, 1 for 3 sa 3s) ni LeBron James pero tumapos pa rin ng 15 points, 10 rebounds at 11 assists para kumpletuhin ang 11th triple-double niya ngayong season at 92nd ng career.

Nagdagdag si Anthony Davis ng 21 points.

Hindi pa rin tapos ang tribute kay Kobe sa bawat venue ng mga laro.

“It’s never going to feel normal. It’s never going to feel the same,” wika ni LA coach Frank Vogel.

Sa first timeout ng laro, pinakita sa giant scoreboard ang video nina Kobe at Gianna na naglalaro ng basketball. Iflinash sa court ang Nos. 8 at 24 habang umaalingawngaw sa Golden 1 Center ang boses ni Kobe. (VE)