Paborito ni LeBron James ang suits, pero mas gusto niyang magsuot ng jersey.

Lalaro nang lalaro si James para sa Los Angeles Lakers, lalo’t namemeligro ang team na malaglag sa playoffs.

Sa kasalukuyan ay No. 11 sa Western Conference ang Lakers sa 30-34, malayo sa No. 8 San Antonio (36-29). Kabuhol ng LA ang Minnesota, nasa unahan nila ang Sacramento (32-31).

Taob pa ang Lakers sa karibal nilang Clippers 113-105 noong Lunes.

Pero kahit napag-iiwanan, walang balak si James na maupo na sa natitira pang 18 laro sa regular season.

“That (not playing) would take a lot of convincing from Luke (Walton) on up,” pahayag ni James kay Dave McMenamin ng ESPN. “Unless I’m hurt, I’m not sitting games.”

Christmas Day nang abutin ng groin injury si James at higit isang buwang nagpahinga. Sa 18 laro na nakapahinga siya, taas-baba ang kampanya ng Lakers. Pagkatapos ng All-Star break, pinindot ni James ang ‘playoff mode’ pero hindi pa rin makabuwelo.

“I didn’t come here to sit on the bench. I love clothes. I love suits. But I didn’t come here to put on a suit every day. I came to put on a jersey,” giit ni LeBron, mula kay Ben Golliver ng Sports Illustrated.

Kapag naupo si James at napagtatalo ang team, mas lalaki ang tsansa ng Lakers sa lottery ng susunod na draft.
Pero kahit masipa sa playoffs, bubuhos pa si LeBron.